Ipinamalas ni Ahtisa Manalo ang makulay na tradisyon ng mga piyesta sa Pilipinas sa National Costume Competition ng 74th Miss Universe pageant sa Impact Challenger Hall sa Thailand, dalawang araw bago ang coronation night.
Solo na nag-host sa naturang segment si Miss Universe 2022 R’Bonney Gabriel, ang kauna-unahang Filipino American titleholder.
Lumabas sa entablado si Ahtisa suot ang likhang kasuotan ni Mak Tumang, ang designer na gumawa rin ng iconic gowns ni Miss Universe 2018 Catriona Gray, batchmate ni Ahtisa sa Binibining Pilipinas.
Sa voiceover, inilarawan ni R’Bonney ang Pilipinas bilang “bansang hitik sa mga piyesta,” at sinabi niyang ang costume ay kumakatawan sa diwa ng mga pagdiriwang ng bansa. Tinawag niya si Ahtisa bilang “the embodiment of celebrations and good vibrations.”
Matapos ang performance, ibinahagi ni Tumang ang detalye ng kasuotang pinangalanan niyang “Festejada” o “The Queen of Philippine Festivals.” Aniya, ang costume ay isang buhay na canvas ng sining, tradisyon, at pagdiriwang.
Hango ang disenyo sa Giant Lantern Festival ng Pampanga, Pahiyas Festival ng Lucban, at Panagbenga Festival ng Baguio. Tampok ang upper portion na gawa sa handmade piña na may abanico at palay embroidery, habang ang saya ay binalutan ng 65,000 hand-cut at heat-pressed petals.
Kapansin-pansin din ang Camisa na may bell sleeves, ang saya, at ang Pañuelo na nagbibigay-pugay sa silweta ng tradisyunal na Traje de Mestiza na iniuugnay kay Maria Clara, simbolo ng ideal Filipina na maganda ang asal, mahinhin, at kagalang-galang.
Binubuo ang kabuuang look ng isang Peineta na may tambourine at filigree-inspired gold accessories, bilang paggalang sa yaman ng tradisyunal na alahas at goldsmithing ng Pilipinas.











