--Ads--

Tiniyak ng Provincial Veterinary Office (PVET), Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), at DA Region 2 na wala pang naitalang kaso ng H5N1 o bird flu sa tao sa Isabela, at wala ring ebidensya ng human-to-human transmission sa bansa, matapos ang mga outbreak sa Gamu at Cauayan City.

Ayon kay PESU Officer Marvin Valiente, ang mga poultry worker na nakaranas ng flu-like symptoms ay nag-negative sa bird flu. Binanggit niya na ang H5N1 ay kumakalat lamang sa pamamagitan ng impeksyon mula sa mga manok at hindi sa tao.

Pinayuhan niya ang publiko na iwasang hawakan ang maysakit o patay na manok, magsuot ng proteksyon sa kamay, at tiyaking lutong-luto ang poultry products.

Giit nina Provincial Veterinary Officer Dr. Helen Sevilla at DA Region 2 Avian Flu Focal Person Dr. Manuel Galang, na nakontrol ang outbreak sa pamamagitan ng culling, surveillance, at mahigpit na biosecurity measures.

--Ads--

Pinayuhan din nila ang mga poultry raisers na panatilihing ligtas ang kanilang mga farm, protektahan ang manukan laban sa migratory birds, gumamit ng hiwalay na sapatos at kasuotan sa loob ng farm, at agad i-report ang biglaang pagkamatay ng manok.

Patuloy naman ang intensified surveillance ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at koordinasyon sa mga pambansang ahensya upang mapanatili ang kalusugan ng publiko at seguridad ng industriya ng manok sa lalawigan.