--Ads--

Nagkasa ng signature campaign ang mga residente ng Brgy. Babuyan Claro, Calayan, Cagayan upang tutulan ang aplikasyon ng LUDGORON MINING CORPORATION para sa exploration permit sa kanilang isla. Layunin ng kumpanya na suriin ang posibleng pagkakaroon ng iron ore at iba pang mineral sa Babuyan Claro at alamin ang viability nito para sa commercial exploitation.

Agad na kumilos si Mayor Jong Llopis matapos matanggap ang notice at nakipagpulong sa Sangguniang Bayan upang magpasa ng resolusyon na tumutol sa aplikasyon at sa lahat ng uri ng pagmimina sa bayan. Inatasan din niya ang pamunuan ng barangay Babuyan Claro at humiling ng suporta mula sa Provincial Government Council para sa pagtutol.

Noong unang termino ni Mayor Llopis, ipinagbawal na niya ang lahat ng mining at quarrying activities sa Calayan at kinansela ang mga Pebbles Quarrying permit sa Sibang Cove. Sa kasalukuyan, ang bayan ay umaasa sa graba at buhangin mula sa mainland para sa mga proyekto ng gobyerno.

Makikita sa mapa na saklaw ng aplikasyon ng LUDGORON MINING ang buong isla ng Babuyan Claro, na tinitirhan ng mga Ibatan, isang Indigenous Peoples community. Nagtutulungan ang barangay officials at tribal leaders sa pangangalap ng pirma laban sa pagmimina.

--Ads--

Ang signature campaign ay kasalukuyang isinasagawa sa Babuyan Claro at inaanyayahan ang lahat ng residente na makiisa sa pagtutol sa aplikasyon ng mining permit.