Inihayag ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 na karamihan sa mga barangay na kanilang nasasakupan sa lalawigan ng Isabela ay naibalik na ang suplay ng kuryente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Glennmark Aquino, General Manager ng ISELCO 1, sinabi niya na bagama’t halos lahat ng main lines sa mga barangay ay may suplay na ng kuryente, may mga purok at kabahayan pa ring wala pa ring kuryente.
Ito ay dahil hindi pa naayos ang kanilang mga service drop wires na nasira sa pananalasa ng bagyong Uwan.
Ayon sa kanya, ang bayan ng Jones ang huling nakumpuni ng mga linemen ng ISELCO 1, kung saan ilang malalayong barangay pa ang partially energized.
Tiniyak naman niya na posibleng tuluyan nang matapos ngayong araw ang power restoration sa nasabing mga barangay.
Nanawagan din siya sa mga consumer na may loose connection, tulad ng nabasang metro, na direktang makipag-ugnayan sa kanilang branch office o sa kanilang 24/7 hotline support upang mapuntahan ng mga linemen para sa pagkukumpuni.
Nilinaw niya na ang prayoridad ng mga linemen ay ang tapping ng transformer at ang mga pangunahing linya.
Aniya, mahihirapan ang mga linemen na isa-isahin ang bawat kabahayan para lamang ma-energize ang mga ito.
Mas magiging mabilis umano ang power restoration kung mismong mga household ang magsasabi na wala silang suplay ng kuryente upang diretso itong mapuntahan at maayos.
Sakaling matapos na ang Barangay at Purok Level na power restoration, mas matututukan na ng mga linemen ang bawat kabahayan.











