--Ads--

Natukoy na ng kapulisan sa Kalinga ang dalawang suspek sa pagpatay sa dalawang lalaki sa Hilltop, Bulanao, Tabuk City sa Kalinga kung saan isa sa kanila ay naaresto.

Sa isinagawang 4th Quarter Kalinga Provincial Peace and Order Council meeting tinalakay ang naturang insidente ng magkahiwalay na pamamaril noong madaling araw ng Nobyembre 15 sa Purok 6, Bulanao.

Inihayag ni PCapt. Ruff Manganip ang tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office na una itong inakalang isang kaso ng panghoholdap o robbery, kung saan dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo ang bumaril sa mga biktima matapos tumangging ibigay ang kanilang mga gamit. Isa sa mga biktima ay tinamaan sa mukha, habang ang isa naman ay sa dibdib, dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.

Ngunit ayon sa kanilang imbestigasyon, lumabas na ang mga sangkot ay kabilang sa isang grupong may kaugnayan sa illegal na droga, at ang pamamaril ay dulot ng hindi pagkakaunawaan sa remittance ng pera o onsehan sa droga.

--Ads--

Pasado alas 2 ng madaling araw ng magkaroon umano ng remitance o abutan ng pera subalit nagkaroon ng onsehan na nauwi sa pamamaril.

Dahil sa mga nasamsam na malaking halaga ng pera at ilang kagamitan inakala ng imbestigador na robbery subalit dahil sa tulong ng mga imbestigador at intelligence operatives, natukoy ang mga suspek. Isa sa kanila ay naaresto na mula sa Ipil, Tabuk City Kalinga.

Sa ngayon patuloy ang operasyon upang tugisin ang isa pang suspek na kasalukuyang nagtatago sa isang Barangay sa Tabuk.

Ang mga sangkot ay natukoy rin na dati nang na kulong at kalalabas lamang ng kulungan ng mangyari ang insidente.