Bukas na para sa mga magsasakang miyembro ng City Cooperative Office ng Cauayan City ang Calamity Loan para sa mga naapektuhan ng nakaraang bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Cooperative Officer Sylvia Domingo, sinabi niyang nagkaroon ng pag-uusap ang kanilang hanay kasama ang mga magsasakang miyembro ng kooperatiba na naapektuhan ng nagdaang bagyo. Napagkasunduan na magbibigay ang kanilang opisina ng calamity loan sa mga miyembro nito.
Giit ng opisyal, malaki ang naging epekto ng kalamidad sa mga magsasaka, lalo na sa kanilang mga produkto. Kaya malaking tulong ang pagbibigay ng calamity loan upang makatulong silang makaahon mula sa pinsalang dulot ng bagyo.
Ayon kay Domingo, hindi lamang sa mga magsasaka nakatuon ang calamity loan, kundi maaari rin itong gamitin sa pag-aayos ng mga bahay ng mga naapektuhang miyembro. Maaaring makakuha ng hanggang ₱60,000 na loan ang bawat miyembro na may 6% interest rate kada taon.











