Pormal nang ipinrinesenta sa publiko ang 31 kandidata ng Queen Isabela 2026 sa ginanap na official presentation sa isang malaking mall sa Lungsod ng Cauayan. Ang naturang kompetisyon ay isa sa mga pangunahing tampok ng Bambanti Festival, na tradisyunal na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Enero bilang pagkilala sa kasipagan at kultura ng mga Isabeleño.
Gaganapin ang coronation night sa January 21, 2026. Sa 37 bayan at lungsod ng lalawigan, 31 lamang ang nakapagpadala ng kanilang kandidata dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng logistics.
Marami sa mga kalahok ang nakararamdam ng pressure dahil sa dami ng katunggali at sa inaasahang matinding kompetisyon sa pagrampa at presentasyon. Ilan sa kanila ay “repeat candidates” na muling sumubok matapos hindi pinalad sa mga nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Ronila Angelica Galutera ng Bayan ng Luna, inamin niyang hindi nawawala ang pressure, lalo na’t bumalik siya sa pageant world matapos hindi makuha ang korona noong Queen Isabela 2020. Gayunman, mas determinado siya ngayon at naniniwalang 2026 ang magiging maswerte niyang taon dahil mas nahasa siya ng karanasan at mas matatag ang kanyang kumpiyansa.
Dagdag pa niya, mahalaga ang hindi pagsuko at kahit magagaling at magaganda ang kanyang mga kasama, gagawin niya ang lahat para hindi magpaiwan sa kompetisyon.
Samantala Nagbahagi rin ng mahahalagang paalala si reigning queen Isabela Jarina Sandhu para sa mga kasalukuyang kandidata.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Sandhu na napakahalaga para sa mga kandidata na i-enjoy ang kanilang buong journey sa kompetisyon. Binigyang-diin niya na sa dami at siksik ng kanilang schedule, mula sa rehearsals, public appearances, hanggang sa mga workshops, madaling makaramdam ng pagod at pressure. Dahil dito, mahalagang magkaroon ng mga kaibigan sa hanay ng kapwa kandidata upang may makakasama at masasandalan sa mga mabibigat na sandali.
Dagdag pa niya, dapat ipakita ng bawat kandidata ang kanilang tunay na pagkatao. Ayon kay Sandhu, mas nagiging madali ang pag-project ng confidence at authenticity kapag kilala mo ang sarili mo at alam mong hindi mo kailangang magpanggap. Sa ganitong paraan, mas naibibigay rin ang buong puso sa bawat challenge at segment ng kompetisyon na isang bagay na, aniya, nakikita at tunay na pinahahalagahan ng mga judges at pageant fans.
Binanggit din ni Sandhu na sa panahon ngayon, mas kinikilala ang mga kandidatang may malinaw na advocacy at may kakayahang makipag-ugnayan sa iba, kaya’t mahalaga ring manatiling grounded, approachable, at bukas sa bagong karanasan.
Ayon sa kanya, ang pinakamagandang regalo na maaaring makuha ng sinumang sumasali sa pageant ay hindi lang ang korona, kundi ang personal growth at koneksyong nabubuo sa buong proseso.











