Naglunsad ang NIA MARIIS Division IV ng KADIWA activity sa Cauayan City upang maibenta nang mas mura ang mga agricultural products ng mga benepisyaryong magsasaka.
Ayon kay Wayne Bergado, Irrigators Development Officer, regular itong ginagawa tuwing quarter para matulungan ang mga magsasaka na maibenta agad ang kanilang ani sa mas mababang presyo.
Malaking tulong din ito sa mga irrigators association dahil maaari nilang dalhin at direktang ibenta ang kanilang produkto.
Iba’t ibang gulay, itlog, at mga produktong gawa ng asosasyon tulad ng chips ang ibinenta, na mas mura kaysa sa palengke, kabilang na ang ilang gulay na may hanggang ₱5 bawas.
Dinagsa ang aktibidad at agad naubos ang dalawang styro ng lettuce mula sa kanilang model farm, pati mga dessert na sold out din. Ang Division IV ay binubuo ng 79 irrigators association mula sa 12 CIS, na nagsusuplay ng mga paninda.
Minsan din silang nagbebenta ng buhay na manok, pero wala ito sa kasalukuyang aktibidad; kabilang naman sa mabenta ang itlog na ₱9 kada piraso. Isang araw lang tumatagal ang KADIWA activity, at muling isasagawa ito sa November 28.
Hinikayat ni Bergado ang mga Cauayeños at kalapit-lugar na bumisita upang makabili ng mura, de-kalidad na produkto upang matulungan ang mga lokal na magsasaka.











