Kinumpirma ng Alkalde ng Cauayan City na aayusin ang pampublikong ospital sa lungsod matapos maidulog kay Vice Governor Kiko Dy ang kakulangan ng serbisyo sa Cauayan District Hospital at ang kahilingang muling pagbubukas ng ospital sa Villa Concepcion.
Matatandaan na noong Martes, Nobyembre 18, ay hiniling ng konseho sa sesyon ng pamahalaang panlalawigan na ang LGU Cauayan na lamang ang mamahala sa naisarang Faustino Dy Sr. Hospital na dati nang nakatulong sa mga taga-East Tabacal at Forest Region.
Ikinagalak naman ni Mayor Ceasar “Jaycee” Dy na inanunsyo ang pagsang-ayon dito ng Bise Gobernador, at tiniyak niyang makakapaglaan ito ng sapat na pondo upang maayos at makabili ng kinakailangang kagamitan para sa ospital.
Sa ngayon, mayroon na rin umano silang private partner ang LGU Cauayan na makatutulong sa paghahanap ng mga doktor at nurse para sa ospital.
Dagdag pa rito, tiniyak din niyang maaayos ang District Hospital ng lungsod batay sa pangangailangan ng mga pasyente upang mapabuti ang health system.
Una na ring sinabi ni Vice Governor Kiko Dy na ang pag-aayos sa Cauayan District Hospital ay una nang idinulog ni dating Congressman Inno Dy noong nanunungkulan pa ito bilang mambabatas.











