Naghain si Senator Risa Hontiveros ng panibagong panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang pagtatatag at pagpapatuloy ng mga political dynasty sa bansa, bilang hakbang upang maibalik ang patas na tunggalian tuwing halalan at matiyak na ang mga kandidato ay nahahalal batay sa kanilang kakayahan at hindi sa apelyido o pinanggalingang pamilya.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1548, binibigyang-kahulugan ang political dynasty bilang konsentrasyon, konsolidasyon, o pagpapatuloy ng kapangyarihan o political power ng mag-asawa o magkakamag-anak sa mga national o local elective position.
Binanggit ng senador ang mga pag-aaral na nagpapakitang ang dominasyon ng iilang pamilya sa politika ay lumilikha ng kapaligirang mas madaling pamugaran ng korapsyon, dahil nagkakaroon umano ng pagkakataon ang mga entrenched political families na ilihis ang pondo ng bayan, pahinain ang oversight, at magpatupad ng mga patakarang pabor sa sarili nang walang takot o pananagutan.
Ayon kay Hontiveros, pinahihina ng political dynasties ang demokratikong institusyon at nagbubunga ng mas mababang kalidad ng pamamahala, lalo na kapag ang mga ‘fat dynasties’ ay nagpapahintulot sa maraming miyembro ng pamilya na sabay-sabay humawak ng puwesto sa iisang hurisdiksyon.
Binigyang-diin pa ni Hontiveros na mahalagang maipasa ang isang batas laban sa political dynasty upang maibalik ang integridad ng halalan, mapatatag ang mga institusyong pampubliko, at matiyak na ang pamumuno ay nakabatay sa merito, integridad, at tunay na mandato ng taumbayan, hindi sa mana o minanang makinaryang politikal.
Sa ilalim ng panukalang batas, anumang paglabag ay ituturing na election offense alinsunod sa Omnibus Election Code.
Bukod kay Hontiveros, hindi bababa sa tatlong senador pa ang naghain ng kaparehong panukalang batas sa 20th Congress, sa patuloy na pagsisikap ng ilang mambabatas na putulin ang matagal nang impluwensiya ng political dynasties sa bansa.









