Hindi na nakaiwas sa batas ang isang lalaking nasa listahan ng mga wanted sa Rosales, Pangasinan matapos itong maaresto ng Quirino Police Station (QPS), Isabela PPO sa Purok 4, Poblacion, Sta. Fe, Nueva Vizcaya, matapos ang siyam na taong pag-iwas sa pagharap sa korte.
Kinilala ang akusado na si alias “Ser Ruel”, 64 taong gulang, may asawa, walang trabaho.
Siya ay naaresto sa kanyang tirahan noong Nobyembre 20, 2025, sa bisa ng Mandamyento de Aresto na inilabas ng isang Presiding Judge ng RTC Branch 53 sa Rosales, Pangasinan.
Si Ruel ay nahaharap sa kasong Panggagahasa na may kaugnayan sa RA 7610 na may petsang Abril 21, 2016, na walang inirekomendang piyansa.
Bago isinagawa ang operasyon, nagsagawa muna ng matibay na ugnayan at intel fusion ang Quirino PS at Rosales Police Station, Pangasinan PPO upang pagtibayin ang impormasyon hinggil sa aktwal na kinaroroonan ng akusado. Dahil sa maingat na beripikasyon at tuloy-tuloy na koordinasyon, natunton at nadakip ang suspek nang walang anumang insidente.
Matapos ang pagdakip, maayos na inilipat ang kustodiya ng suspek sa mga tauhan ng Rosales Police Station, Pangasinan PPO upang maisailalim sa wastong proseso at maiharap sa hukuman kung saan nagmula ang kaso.











