--Ads--

Naghahanda na ang Our Lady of the Pillar Parish Church para sa selebrasyon ng Christ the King ngayong araw na inaasahang dadaluhan ng humigit-kumulang dalawang libong bisita.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, ang Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish–Cauayan, sinabi niya na nakipag-ugnayan sila sa LGU Cauayan, POSD, PNP, at BFP para matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at organisadong parking ng mga sasakyan sa paligid ng simbahan.

Aniya, mula ngayong araw ay wala nang pwedeng mag-park sa loob ng simbahan dahil dito ilalagay ang mga upuan ng mga delegado mula sa iba’t ibang diocese. Gayunman, siniguro ni Fr. Ceperez na may designated parking area para sa mga magsisimba.

Alas-3 ng hapon ay gaganapin ang Christ the King Celebration na pangungunahan ni Bishop David William Antonio, na susundan ng prusisyon.

--Ads--

Magsisilbi rin itong huling pagkakataon na makakasama ng Diocese of Ilagan si Bishop Antonio na naitalaga na bilang bagong Archbishop ng Archdiocese of Nueva Segovia.

Ang pagdiriwang ng Christ the King ay isang pagkakaisa kay Kristo na ating Hari na pinangungunahan ng Diocese of Ilagan.

Napili ang Cauayan City bilang bahagi ng limang vicariate at ang OLPC ay isa sa mga pinakamalalaking parokya.

Samantala, kasalukuyan din sa Our Lady of the Pillar College ang Christ the King Youth Convergence 2025 na nilahukan ng lahat ng kabataan mula sa Diocese of Ilagan.