Patuloy ang Santiago City Police Office (SCPO) sa pagpapatupad ng mga operasyon laban sa krimen at ilegal na droga sa lungsod ng Santiago.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Saturnino Soriano sinabi nito na aktibo ang SCPO sa community engagement, pag-aresto sa mga wanted persons, at pagpapatupad ng anti-criminality operations sa iba’t ibang barangay.
Aniya, ang mga naitalang accomplishments ng kapulisan ay patunay ng kanilang tuloy-tuloy na aksyon para mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lungsod.
Ipinaliwanag din ni Soriano na ang kampanya laban sa ilegal na droga ay hindi humihinto.
Binanggit niya na regular pa ring may nahuhuling indibidwal na lumalabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, at tuloy-tuloy na mino-monitor ng intelligence unit ang lahat ng operasyon kaugnay ng droga.
Ayon sa kaniya, layunin nilang maabot ang estado ng lungsod bilang drug-cleared.
Dagdag pa ni Soriano, hindi lamang sa anti-drugs operations nakatuon ang SCPO kundi pati na rin sa pagpapatupad ng iba pang espesyal na batas, kabilang ang kampanya laban sa proliferation of loose firearms kung saan Binanggit niya na mahalaga ang koordinasyon ng iba’t ibang yunit para maging sistematiko at epektibo ang kanilang operasyon.
Aniya rin na sa kabila ng patuloy na operasyon, hindi pa tapos ang buwan ng Nobyembre at marami pang aktibidad ang isinasagawa.
Binanggit niya na ang pakikipagtulungan at pagbibigay ng impormasyon ng publiko ay malaking tulong sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa lungsod.











