Nakuha ni Andrei Cacal Labog ng Luna, Isabela ang ika-walong puwesto sa National Topnotchers matapos makapagtala ng 94.35% rating sa katatapos na November 2025 Pharmacist Licensure Examination.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Andrei, sinabi niya na labis ang kaniyang kasiyahan dahil hindi lamang siya nakapasa kundi nakapasok pa sa topnotchers.
Aminado siyang hindi niya ito inaasahan lalo na’t hindi naman siya nagtapos na may Latin honors. Gayunman, iginugol niya ang kaniyang oras sa pagre-review kaya sa pre-boards sa review center ay nakakapasok siya sa Top 10.
Isa sa mga naging pagsubok sa kaniya ang mental fatigue dahil sa dami ng impormasyong kailangan niyang aralin.
Payo niya sa mga estudyanteng kukuha ng pagsusulit o board exam na magdasal at i-master ang basics. Inihalimbawa niya ang pagpunta niya sa St. Jude kung saan siya taimtim na nanalangin, nagsindi ng kandila, at nagsulat ng liham bago mag-exam.






