Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagsasaayos sa nasirang Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Gov. Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi niya na nakausap na nito si DPWH Secretary Vince Dizon para sa pansamantalang pagsasaayos sa naturang tulay nang hindi na mahirapan pa ang mga residente sa pagtawid sa ilog Cagayan lalo na tuwing mataas ang antas ng tubig.
Nababahala kasi umano ang Gobernador dahil sa pagtaas ng antas sa tubig sa ilog dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan na nararanasan sa lalawigan.
Sa susunod na linggo ay nakatakda umanong bumisita sa lalawigan si Dizon upang inspeksyunin ang tulay at masimulan na ang pagsasaayos nito.
Aniya, dahil sa wala pang malaking pondo na nakalaan para sa kabuuang pagsasaayos ng tulay ay temporary repair lang muna ang balak nilang gawin ngunit matibay para kahit papaano ay madaanan na ito sa lalong madaling panahon kahit light vehicles lamang muna.











