--Ads--

Isang key member ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa magkasunod na engkwentrong naitala sa Barangay Allaguia, Pinukpuk, Kalinga kahapon, araw ng Linggo, na ikinasugat naman ng isang sundalo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Melvin Asuncion, Officer-in-Charge ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 5th ID PA, sinabi niya na pasado ala-una nang unang makasagupa ng 503rd Infantry Brigade ang sampung kasapi ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) sa Barangay Bayao, na nagresulta sa pagkakasugat ng isang sundalo.

Agad na nabigyan ng paunang lunas ang nasugatang sundalo at inilipad gamit ang Philippine Air Force Black Hawk helicopter patungo sa pagamutan.

Kahapon, muling sumiklab ang sagupaan kung saan isang mahalagang kasapi ng NPA sa ilalim ng ICRC ang nasawi. Narekober naman ng militar ang isang mataas na kalibreng armas at isang bandolier.

--Ads--

Ang pinakahuling engkuwentro ay naganap dalawang araw matapos ang katulad na insidente noong Nobyembre 21, 2025, kung saan humigit-kumulang labinlimang miyembro ng Platoon Dos ng ICRC ang nakaengkuwentro ng militar sa parehong bayan.

Ayon sa mga ulat, nagsimula ang operasyon matapos magsumite ng reklamo ang ilang residente hinggil sa patuloy na pangingikil at pananakot ng mga natitirang kasapi ng Communist Terrorist Group sa Cordillera.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang hot pursuit operation upang matugis ang mga nalalabing miyembro ng ICRC na tumakas matapos ang palitan ng putok, upang tuluyang ma-destabilize ang grupo sa kanilang AOR.

Sapat pa rin ang tropa ng 5th ID para sa isinasagawang operasyon dahil nakahanda ang hanay ng 103rd, 98th, 54th, at 503rd IB.

Pinawi naman ng militar ang pangamba ng mga residente dahil ang encounter site ay malayo sa mga kabahayan. Hinihikayat din nila ang pakikipagtulungan ng mga residente sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag upang mamonitor ang anumang kahina-hinalang kilos sa kanilang paligid, para tuluyang masawata ang nalalabing kasapi ng grupo.

Itinuturing naman ng 5th ID na ang pagpapakita ng presensya ng NPA ay isang paraan upang makalikom ng pondo mula sa extortion activities kaugnay ng kanilang nalalapit na anibersaryo.