--Ads--

Inihayag ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na inutusan umano siya ni dating House Speaker Martin Romualdez na maghatid ng P2 bilyon buwan-buwan mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Co, nangyari ang naturang utos matapos niyang maitalaga bilang chair ng House Appropriations Committee noong 2022.

Sa isang video statement na ipinost ngayong Lunes ng hapon, detalyado niyang ikinuwento ang umano’y koordinasyon niya sa ilang opisyal ng DPWH, kabilang ang dating DPWH-Bulacan First District Engineer na si Henry Alcantara kaugnay ng paglilipat ng pondo at sinasabing paghahati-hati ng umano’y kickback.


Hindi naman tinukoy ni Co kung saan dinadala ang buwanang P2 bilyong pondo.

--Ads--

Ikinuwento rin niya na ilang araw matapos iyon ay tinawagan siya ni Usec. Roberto Bernardo at sinabing kailangan umano ng Bulacan ng tulong sa problema sa pagbaha kaya ipinadala sa kanyang opisina si District Engineer Henry Alcantara.

Sa kanilang pagpupulong, sinabi umano ni Alcantara na siya mismo ang nag-alok kung paano hahatiin ang kikitain mula sa mga proyekto ng DPWH—22% para kay Speaker Romualdez, 2% para kay Usec. Bernardo, at 1% para sa kanya.

Noong nakaraang linggo, naglabas din si Co ng hiwalay na video sa social media kung saan idinetalye ang umano’y paghahatid nila ng suitcase na naglalaman ng pera sa mga tirahan ni Romualdez at maging sa Malacañang.

Inilarawan niya ang mga paghahatid na ito bilang kaugnay sa P100 bilyong halaga ng mga proyektong umano’y ipinahintulot sa kanya na isingit sa 2024 national budget sa bicameral conference.

Ayon kay Co, nakabase raw ang halaga ng pera sa isang nakatakdang porsyento at paulit-ulit umano niyang kinukuha ang kumpirmasyon ni Romualdez kaugnay ng mga halaga at paglipat ng pera.

Binanggit din ni Co na ibinigay umano sa kanya ni Undersecretary Adrian Bersamin ang listahan ng mga proyektong nagkakahalaga ng P100 bilyon, na inunawa niyang konektado sa mga cash delivery.

Dagdag pa ng dating mambabatas, may “mga resibo, ebidensya at pangalan” umano na nakakabit sa mga transaksiyon, at ilang pagpupulong pa raw ang isinagawa para talakayin ang listahan ng mga proyekto at ang kaukulang halaga.