Napanatili ng Tropical Depression Verbena ang lakas nito habang kumikilos ito pa-hilagang kanluran patungong Negros Island Region. Huling namataan ang sentro nito sa coastal waters ng Pinamungahan, Cebu, ayon sa datos ng PAGASA kabilang ang Iloilo Doppler Weather Radar.
Taglay ng bagyo ang 55 km/h na lakas ng hangin malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 90 km/h. Kumikilos ang bagyo pa-northwest sa bilis na 25 km/h.
Sa kasalukuyan nasa Ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:
Sa Luzon:
Signal no. 1 Occidental at Oriental Mindoro, Romblon, hilaga at gitnang bahagi ng Palawan kabilang ang Calamian, Cuyo, at Cagayancillo Islands; mainland Masbate.
Sa Visayas:
Signal no. 1 Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Cebu, Bohol, Samar, Eastern Samar, Biliran, Leyte, at Southern Leyte.
Sa Mindanao:
Signal no. 1 Dinagat Islands, Surigao del Norte, hilagang bahagi ng Surigao del Sur, Agusan del Norte, bahagi ng Agusan del Sur, Camiguin, Misamis Oriental, hilagang bahagi ng Misamis Occidental, at hilagang bahagi ng Zamboanga del Norte.
Bandang 2:40 kaninang madaling araw, nag-landfall ang Verbena sa Talisay, Cebu. Inaasahang tatawid ang bagyo sa Visayas at hilagang bahagi ng Palawan ngayong araw bago lumabas sa West Philippine Sea pagsapit ng Nobyembre 26 o bukas ng umaga.
Mananatili itong tropical depression habang tumatawid sa Visayas ngunit maaaring umabot sa tropical storm category bago marating ang hilagang Palawan o pagdating sa West Philippine Sea. Posible itong umabot hanggang severe tropical storm habang nasa gitna ng karagatan sa hilaga ng Kalayaan Islands.
Inaasahang lalabas ang bagyong Verbena sa Philippine Area of Responsibility sa Nobyembre 27 ng umaga.
Inaasahan ang malalakas na pag-ulan, lalo na sa Cebu, Bohol, Negros, Samar, Leyte, Panay at Mindoro.
Maaaring makaranas ng pagbaha ang mabababang lugar at pagguho ng lupa sa mga bulubundukin.
Pinapayuhan ang maliliit na sasakyang pandagat na huwag pumalaot dahil sa masungit na kondisyon ng dagat sa Visayas at hilagang Mindanao.











