Ipinagmamalaki ni Mayor Jose Marie Diaz sa kaniyang ulat sa bayan na walang “ghost projects” at “substandard projects” sa kaniyang nasasakupan.
Sa kaniyang talumpati sa State of the City Address, inihayag niya na minsan nang napabilang ang Lungsod ng Ilagan sa mga promising cities dahil sa lumalagong ekonomiya.
Aniya, ang paglago ng isang siyudad ay hindi nasusukat sa laki o liit ng National Tax Allocation, kundi sa mahusay na pamamahala ng mga namumuno.
Muli niyang binalikan na ang Ilagan, na dating kabilang sa 3rd poorest city na may total assets na ₱500 milyon noong 2012, ay umangat na sa ranggong 49th wealthiest city mula sa 166 na lungsod sa buong Pilipinas.
Aminado siya na hindi madaling pagkasyahin ang pondo para sa lahat ng barangay sa Ilagan na may lumalaking populasyon. Gayunpaman, napanatili nila ang Unmodified at Unqualified Audit Opinion mula sa Commission on Audit sa magkakasunod na taon.
Naging daan ito upang igawad sa LGU Ilagan ang Seal of Good Financial Housekeeping, Seal of Good Local Governance, at Philippine Association of Local Government Accountants in Excellence Award.
Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Development Plan 2018–2023, unti-unting yumabong ang lungsod.
Aniya, sa ngayon ay tuloy-tuloy ang mga development project sa lungsod, kabilang ang Corn Complex, karagdagang housing units, City Hotel Building Annex, San Antonio Public Market, Marana Public Market, rehabilitasyon ng San Antonio Hospital, CIMC Medical Arts Building, Infectious and Contagious Disease Building, City of Ilagan College, at completion ng The Capital Arena.





