Nahaharap ngayon sa masusing imbestigasyon ang isang babae matapos umanong dukutin ang bagong silang na sanggol sa South Cotabato Provincial Hospital at mahuli nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 24.
Ayon sa ama ng bata na si Ryan Malinog, hindi matatawaran ang kanilang pasasalamat dahil ligtas, maayos, at walang anumang pinsala ang kanilang anak nang maibalik ito.
Ikinagulat pa umano ng pamilya na binilhan pa ng suspek ng iba’t ibang gamit ang sanggol at lahat ay kulay asul.
Matapos ang ilang oras ng matinding pag-aalala at paghahanap, muling nayakap ng mag-asawang Malinog ang kanilang anak na pinangalanan nilang Baby Yanna, dahilan para maluwagan nang bahagya ang kanilang kalooban.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Koronadal City Police Station ang suspek at inaasahang sasampahan ng kasong kidnapping and serious illegal detention.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang tunay na motibo ng babae sa pagdukot sa bagong silang na sanggol.






