--Ads--

Iniulat ni Sen. JV Ejercito na umaabot umano sa 70 porsiyento ng nakokolektang halaga mula sa maling paggamit ng tax audit documents ng ilang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang napupunta sa kanilang sariling bulsa, habang 30 porsiyento lamang ang naii-remit sa gobyerno.

Ayon kay Ejercito sa isang pulong balitaan nitong Martes, target umano ng grupo ang makalikom ng P6 hanggang P8 bilyon sa pamamagitan ng maling paggamit ng letters of authority (LOA).

Ang LOA ay dokumentong nagbibigay kapangyarihan sa mga revenue officer na suriin ang record ng isang taxpayer upang matiyak ang pagsunod sa batas.

Gayunman, sinabi ng senador na tanging P2 hanggang P3 bilyon lamang ang naipon mula sa koleksiyon. “Pero 70 porsiyento ng nakolekta ay napunta sa bulsa ng mga [ahente]. Tatlumpung porsiyento lamang ang napunta sa gobyerno,” aniya.

--Ads--

Binanggit din ni Ejercito na bukod sa LOA, madalas umanong naaabuso ang Mission Orders (MO) na inisyu ng mga regional director ng BIR. Pinahihintulutan ng mga MO ang mga revenue officer na magsagawa ng surveillance sa mga negosyo at hulihin ang mga lumalabag sa batas at regulasyong pangbuwis.

Noong Lunes, iniutos ng BIR ang suspensiyon ng lahat ng tax audit upang muling suriin ang kanilang mga protocol at magrekomenda ng karagdagang proteksiyon para sa mga taxpayer, ayon kay Commissioner Charlie Mendoza.