--Ads--

Umugong ang pangalan ni Sen. Chiz Escudero matapos iabsuwelto ng Comelec sa isyu ng P30-milyong donasyon mula kay Lawrence Lubiano, pangulo ng Centerways Construction, isang kumpanyang may malalaking kontrata sa gobyerno habang tumatakbo ang 2022 campaign period.

Ayon sa Comelec, “personal” daw ang kontribusyon ni Lubiano, kaya hindi sakop ng pagbabawal sa mga kontraktor ng gobyerno.

Ngunit sapat bang dahilan ang simpleng deklarasyon ng “personal capacity” para burahin ang alinlangan ng publiko? Sa isang bansang matagal nang may sugat sa usapin ng political patronage at “payback politics,” hindi na sapat ang literal na pagbasa sa batas.

Kailangang tingnan ang konteksto at ang konteksto rito ay malinaw na problema sa conflict of interest.

--Ads--

Lalo na kung may aktibong proyekto ang Centerways, kabilang ang P111.7-milyong flood control project sa Sorsogon, sakto sa panahon ng kampanya.

Hindi ito maliit na gastusin sa barangay level; malakihang proyektong pinopondohan ng buwis ng taumbayan. Idagdag pa na si Lubiano ang pinakamalaking donor ni Escudero, kaya hindi maiiwasang magdudahan kung may inaasahang kapalit ang ganoong laki ng kontribusyon.

May pattern din na hindi dapat isantabi. Mula 2022 hanggang 2024, mahigit 80 flood control projects ang nakuha ng Centerways, higit ₱5.1 bilyon ang kabuuang halaga at karamihan dito sa mga lugar kung saan may impluwensya si Escudero.

Sa Sorsogon, balwarte ng senador, 53 proyekto ang napunta sa Centerways, isang statistical anomaly na mahirap ipaliwanag kung “coincidence” lamang.

Sa probinsya pa mismo nakaangkla ang dalawang kapatid ni Lubiano sa politika, parehong kaalyado ng senador at pareho niyang inendorso sa 2025 elections. Sa isang sistema kung saan malakas ang dynastic networks at contractor-politician alliances, mas lalo lamang humihigpit ang tanong: talagang walang ugnayan? O wala lang dokumentong nag-uugnay?

Sabi ng Comelec, walang ebidensiyang nagpapatunay na ginamit si Lubiano bilang “conduit” ng kumpanya. Ligál ba ang donasyon? Oo. Pero makatarungan ba? Ito ang mas malalim na tanong, dahil ang ligal ay hindi laging moral, at ang moral ay hindi laging naisasalin sa batas.

Kung ang isang kontraktor na may bilyong pisong proyekto mula sa pamahalaan ay maaaring magpanggap bilang “ordinary donor,” malinaw na may sistemikong kahinaan na sinasamantala sa batas.

Kung ang isang indibidwal na may kontrata sa gobyerno ay maaaring magtago sa likod ng “personal donation,” malinaw na may butas ang batas na kailangan nang ayusin.

Dahil ang tunay na nakataya rito ay hindi lang isang kandidato o isang kontraktor kundi ang tiwala ng taumbayan sa sistemang dapat sana’y patas, malinis at walang kinikilingan.

Sa panahong laganap ang disinformation at bumabagsak ang kumpiyansa ng publiko sa pamahalaan, mas lalong mahalaga na ang mga ahensya tulad ng Comelec ay hindi lamang sumusunod sa itinatakda ng batas, kundi maging sensitibo sa mga nilalaman nitong nagtatanggol sa integridad ng demokrasya.