--Ads--

Dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan at pag-apaw ng mga ilog ay muling sinuspinde ng mga lokal na pamahalaan sa Isabela kabilang na ang Palanan, ang pasok sa mga paaralan ngayong araw mula kindergarten hanggang sekondarya maging ang Alternative Learning System o ALS.

Patuloy kasing nararanasan ang malakas na pag-ulan sa naturang bayan kung saan tumaas na ang lebel ng lahat ng mga ilog.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong John Bert Neri, ang LDRRM Assistant ng MDRRMO Palanan sinabi niya na mahigit isang linggo nang nararanasan ang malalakas na pag-ulan sa kanilang bayan na epekto ng Shearline at Northeast Monsoon.

Umabot na rin sa orange alert level ang mga malalaking ilog pangunahin na ang Pinacanauan River at Dibenbinan River.

--Ads--

Dahil sa pahirapan ang personal na pagmonitor ay tanging cellphone o handheld radio na lamang ang kanilang ginagamit upang malaman ang sitwasyon sa mga barangay.

Matataas din ang alon sa karagatan kaya hindi pa rin maaring pumalaot ang mga mangingisda.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na may sapat pang relief goods sakaling may ililikas na mga residente.

Maliban sa Palanan, halos buong bayan sa Isabela na rin ang tuluyang nagsuspinde ng pasok sa paaralan ngayong araw dahil sa patuloy na nararanasang pag-ulan.

Para sa listahan ng mga LGUs na nag-anunsyo na ng class cancellations, bisitahin lamang ang aming Official Facebook Page (Bombo Radyo Cauayan)