Nakapagtala ang Office of Civil Defense (OCD) Region 2 ng 7,117 pamilya o 24,170 katao mula sa 112 barangay sa Cagayan, Isabela, at Quirino na apektado ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Shear Line.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cayuayan kay Information Officer Mia Carbonel ng OCD Region 2, sinabi niyang sa kasalukuyan may dalawang evacuation center na bukas, na mayroong 5 pamilya o 20 indibidwal na evacuees, at karamihan mula sa probinsiya ng Cagayan.
Mayroon ding mga pamilya na lumikas sa kamag-anak o kapitbahay, na umabot sa 2 pamilya o 8 indibidwal at naitala bilang “outside evacuees.”Dahil sa pagbaha, mayroong 21 kalsada at 23 na tulay ang hindi madaanan.
Samantala, Sa kasalukuyan, nasa 11.1 metro ang lebel ng tubig sa Buntun Bridge.
Ang mga apektadong lugar sa Cagayan River ay kabilang ang Tuguegarao City at iba pang downstream areas. Nakapila na rin sa alerto ang mga lokal na DRRM, at patuloy ang pre-emptive evacuations sa mga lugar na binabaha dahil sa pagtaas ng tubig sa mga ilog.
Nananawagan naman ang opisyal sa publiko na patuloy na sundan ang mga abiso mula sa lokal na DRRM at magbahagi lamang ng tamang impormasyon sa social media upang makatulong sa maayos na koordinasyon sa mga apektadong lugar.











