--Ads--

Sisimulan na ng Land Transportation Office (LTO) na i-impound ang mga electronic bikes at tricycles (e-bikes, e-trikes) na mahuhuling bumibiyahe sa mga pangunahing kalsada sa bansa.

Ito ang inihayag ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao sa Senado nitong Huwebes habang tinatalakay sa plenaryo ang panukalang badyet ng Department of Transportation (DOTr) para sa 2026.

Ayon kay Sen. JV Ejercito, sponsor ng DOTr budget, matapos ang pulong sa mga opisyal ng LTO at DOTr, sinabi ni Assistant Secretary Lacanilao ng LTO , na pagsapit ng Disyembre 1, huhulihin na ang lahat ng e-trikes na nasa kalsada.

--Ads--

Tinukoy naman ni Sen. Raffy Tulfo na, taliwas sa tradisyonal na tricycle, hindi rehistrado sa LTO ang maraming e-bike at e-trike, at wala ring lisensya at insurance ang kanilang mga drayber ngunit pinapayagan silang bumiyahe.

Ipinaliwanag ni Ejercito na bawal dumaan sa major roads ang naturang mga sasakyan, ngunit ang ilan ay nakakuha ng prangkisa mula sa mga lokal na pamahalaan (LGUs).

Bilang tugon, iminungkahi ni Tulfo na magkaroon ng kasunduan ang LTO at mga LGU upang maayos na maregula ang e-bikes at e-trikes nang hindi naman napipinsala ang kabuhayan ng tradisyonal na tricycle drivers.

Dagdag ni senator Tulfo panahon na para hingin na mag-secure ng driver’s license ang mga e-bike operators at drivers. Kung hindi, dapat silang hulihin o bigyan ng babala ang LGU.

Sa puntong ito nangako ang LTO na mahigpit na ipapatupad ang pagbabawal sa e-bikes at e-trikes sa pangunahing kalsada sa pamamagitan ng pag-impound sa mga lalabag simula Disyembre 1.

Bagama’t suportado ang hakbang, hinimok ni Tulfo ang ahensya na magsagawa muna ng information drive bago manghuli ng mga lumalabag na sinang-ayunan naman ng DOTr.

Ayon kay Ejercito, pagsapit ng Disyembre 1 magsasagawa ng information drive ang LTO upang bigyan ng abiso ang publiko o pagsasagawa ng information campaign bago sila magsimulang manita at manghuli.