--Ads--

Nagbalik ng humigit-kumulang ₱110 milyon si dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara sa kaban ng bayan bilang bahagi ng restitution, ayon kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida nitong Biyernes.

Ayon kay Vida, ang cash turnover ay unang installment ng kabuuang ₱300 milyon na ipinangako ni Alcantara na ibabalik, matapos umano’y makakuha ng hindi tamang kita mula sa mga anomalous flood control projects.

Naroon ang mga kinatawan mula sa Bureau of Treasury at Land Bank of the Philippines upang beripikahin ang eksaktong halaga ng ibinalik na pera.


Sinabi ni Vida na may panel na nagsusuri sa mga salaysay ni Alcantara upang matiyak ang katotohanan ng mga ito.

--Ads--

Dagdag pa ng kalihim, bagaman ₱110 milyon pa lamang ang naibalik, dapat ay nasa ₱1 bilyon ang kabuuang halaga na ibalik ni Alcantara.


Nilinaw ni Vida na ang discharge mula sa criminal liability ni Alcantara ay limitado lamang sa halagang naibalik.

Kung matuklasang may iba pang anomalya na hindi isinama sa kanyang salaysay, mananagot pa rin si Alcantara.

Ang restitution ay isa sa mga kondisyon upang maisama sa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ.


Bukod kay Alcantara, si Roberto Bernardo, dating Undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay nasa provisional admission din sa WPP. Nangako siyang magbabalik ng higit ₱7 milyon mula sa mga frozen bank accounts na kasalukuyang nasa proseso sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).


Ang pagbabalik ng malaking halaga ay nagpapakita ng hakbang ng pamahalaan upang mabawi ang pondong nawaldas sa mga proyektong may anomalya. Pinatitibay nito ang panawagan para sa transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.