Natabunan na ng mga rubble ang nasirang approach ng Sipat Bridge bilang bahagi ng pansamantalang solusyon ng pamahalaang lungsod habang hinihintay ang mga nirequest na steel materials mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edward Lorenzo, City Engineer ng Lungsod ng Cauayan, kailangan nilang agad na maglatag ng temporary fix upang mapanatili ang kaligtasan ng mga dumadaan, lalo na’t limitado na ang kakayahan ng tulay.
Dagdag pa ni Lorenzo, inirerekomenda ng kanilang tanggapan na huwag nang alisin ang vertical clearance sa tulay upang hindi na makadaan ang mga sasakyang lumalagpas sa itinakdang weight limit.
Ipinaliwanag din niyang naabot na ng Sipat Bridge ang tinatawag na economic life, kaya’t mas kinakailangan itong ingatan at hindi dapat madaanan ng mga 40-tonner trucks.
Ang pinakamataas na dapat lamang na makatawid ayon kay Engr. Lorenzo ay mga forward trucks upang maiwasan ang mas malalang pinsala.
Sinabi rin ng City Engineering office na nakaplano na ang pag-upgrade ng tulay at inaasahang maisasakatuparan ito sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon, umaasa ang lokal na pamahalaan sa positibong tugon ng DPWH Region 2 upang masimulan na ang buong rehabilitasyon at maibalik ang normal na daloy ng trapiko sa lugar.











