Ipinagpaliban ng Department of Education (DepEd) Region 2 ang nakatakdang Regional Festival of Talents (RFOT) ngayong Disyembre dahil sa kasalukuyang suspensyon ng klase at pag-overlap ng mga aktibidad sa rehiyon.
Ayon kay Ginoong Octavio Cabasag, Chief Education Program Supervisor ng DepEd Region 2, mas binigyang-pansin muna ng kagawaran ang ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan.
Bagama’t tapos na ang mga aktibidad sa Schools Division Office (SDO) level, kinailangan umanong isaalang-alang muli ng rehiyon ang sitwasyon, dahilan upang ipagpaliban ang naturang aktibidad.
Plano na ngayong isagawa ang festival sa darating na Enero, kung saan gaganapin ang nasabing aktibidad sa lalawigan ng Quirino.
Nakahanda na umano ang DepEd RO2 at mga katuwang nitong institusyon, ngunit dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari ay minabuting iurong muna ang aktibidad.
Ang Regional Festival of Talents ay isang taunang kumpetisyon kung saan ipinapakita ng mga mag-aaral ang kanilang husay sa iba’t ibang larangan tulad ng pagsayaw, pagpipinta, pagsasalita, at iba pang sining.
Saklaw din nito ang mga inclusive programs para sa mga mag-aaral na may iba’t ibang pangangailangan.
Tiniyak naman ng DepEd Region 2 na ipagpapatuloy ang paghahanda upang masiguro ang maayos na pagdaraos ng Festival of Talents sa rehiyon sa bagong takdang petsa.











