Hinihikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na makiisa sa gagawing aktibidad ng simbahan para sa Trillion Peso Movement.
Sa panayam ng Bombo Cauayan kay Fr. Tony Ancheta ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, sinabi niyang magsasagawa sila ng pagkilos para sa Trillion Peso Movement sa darating na Nobyembre 30.
Aniya, kung matatandaan, ang unang bugso ay isinagawa sa pamamagitan ng Trillion Peso March noong Setyembre 21, at ngayong Nobyembre 30 ay inaasahang makikiisa ang lahat ng diocesan sa aktibidad, kung saan magkakaroon ng symposium na gaganapin sa Santiago City mula 9:00 a.m. hanggang 11:00 a.m.
Layunin ng naturang aktibidad ang sama-samang panalangin para sa katotohanan, katarungan, at kapayapaan, bukod pa sa pagpapalawak ng kaunawaan ng publiko hinggil sa mga kasalukuyang kaganapan sa bansa.
Ang gaganaping symposium, na pangungunahan ni Former Rep. France Castro, ay inaasahang dadaluhan ng mga parishioners at iba pang nagnanais ng transparency.
Samantala, inihayag ni Former ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, miyembro ng Makabayan bloc at ng TAMA Na o Taumbayan Ayaw sa mga Magnanakaw at Abusado, na binubuo ito ng mga progresibong grupong may iisang hangarin, ang itaguyod ang pananagutan.
Ayon sa kanya, ang kurapsyong nagaganap ngayon ay systemic, kaya hinihikayat niya ang publiko na huwag matakot manindigan at magsiwalat ng katotohanan. Dagdag pa niya, ang symposium na gaganapin sa Santiago City ay isa sa mga paraan upang mamulat ang publiko.
Kung matatandaan, noong 2022 ay pinangunahan ng Makabayan bloc ang pagsiwalat sa umano’y anomalya sa confidential fund—isang patunay ng kanilang masidhing pagtutol sa maling paggamit ng pondo.
Nagpahayag rin siya ng buong suporta sa Simbahang Katolika sa pagsusulong ng pananagutan, katotohanan, at transparency sa pamamahala ng mga lider ng bansa.
Kaugnay nito nagpahayag din siya ng buong suporta kasama ang Makabayan bloc kay House Speaker Bojie Dy para sa Anti-Dynasty bill na una na rin nilang isinulong noon.
Umaasa siya na sa pamamagitan ng Anti-Political Dynasty Bill ay mabuo na ang enabling law na siyang magsasabatas dito na isang malaking hakbang para mabago ang sistema.
Sa November 30 inaanyayahan ang lahat sa mga programang gaganapin sa Luneta ang Pagpapanagot: Lahat ng sangkot dapat managot na sasabayan ng Trillion peso movement sa EDSA.











