Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 63 Pilipino ang ligtas, habang isa ang nasugatan at isa ang nawawala, matapos ang mapaminsalang sunog na tumama sa Wang Fuk Court apartment complex sa Tai Po district, Hong Kong.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na nagpapatuloy ang kanilang operasyon sa lugar upang matunton at matulungan ang mga Pilipinong naapektuhan ng insidente. Ayon sa mobile teams ng konsulada, hindi nagtamo ng anumang injury ang mga survivor na Pilipino at wala ring banta sa kanilang buhay, bagama’t pansamantalang na-displace dahil sa sunog.
Iniulat din na ang nag-iisang nasugatan ay nabigyan na ng kinakailangang medical assistance, habang patuloy pa ring hinahanap ang isang Pilipinong hindi pa makontak.
Ayon kay DFA spokesperson Angelica Escalona, may mga Pilipinong nakarehistro at nakatira o nagtratrabaho sa Wang Fuk Court na hindi naman iniulat na nawawala ng kanilang mga employer. Patuloy aniya nilang inaalam kung wala sila sa lugar nang maganap ang sunog.
Nagbibigay din ng hamon sa beripikasyon ang ulat ng DFA na 91 pang Pilipino ang nasa listahan ng mga nakarehistro sa Wang Fuk Court, ngunit hindi pa natitiyak kung naroon sila nang sumiklab ang sunog. Posible umanong may ilan na lumipat ng tirahan, nagpalit ng employer, o umuwi sa Pilipinas bago ang insidente
Samantala, umakyat na sa 128 ang kumpirmadong nasawi sa sunog, habang daan-daang residente pa rin ang hindi natatagpuan.











