--Ads--

Nagtipon-tipon ang iba’t ibang religious group sa Parish of St. James the Apostle para sa isinagawang Ecumenical Symposium laban sa Korapsyon, isang pagtitipong layong palakasin ang panawagan ng mamamayan para sa katotohanan, katarungan, at pananagutan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Anthony Ancheta ng  Parish of St. James the Apostle, mahalaga ang ganitong aktibidad upang marinig ang boses ng bawat Pilipino na patuloy na umaasa sa isang gobyernong tapat at responsable.

Aniya, ang sama-samang pagkilos ng simbahan at komunidad ay patunay ng matibay na pagtindig laban sa lumalalang kaso ng korapsyon sa bansa.

Dumalo rin sa symposium si dating ACT Teachers Party-list Representative France Castro, kung saan tinalakay niya kung paano umiikot ang pera ng gobyerno at bakit mahalagang masuri at mabantayan ito ng taumbayan.

--Ads--

Binanggit niyang ang korapsyon ay hindi lamang usapin ng maling paggamit ng pondo, kundi isang isyu na direktang nakaaapekto sa pamumuhay ng bawat Pilipino.

Ang ginawang pagtitipon ay nagsilbing panawagan para sa pananagutan, at paalala sa mga opisyal mula lokal hanggang nasyonal na dapat managot ang sinumang sangkot sa katiwalian.

Ayon sa mga kalahok, hindi lamang ito isang event, kundi isang tuloy-tuloy na adbokasiya para sa mas malinis at mas tapat na pamahalaan.