Mas lalong pinaiigting ng Aurora Police Station ang kanilang kampanya sa pagpapababa ng vehicular accident sa bayan ng Aurora, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Dixie Casballedo, Deputy Chief of Police ng Aurora Police Station, sinabi niya na nakipag-ugnayan ang kanilang hanay sa Department of Public Works and Highway (DPWH) para sa mga karagdagang mga signages sa daan.
Sa ngayon ay bumababa aniya ang kaso ng mga vehicular accident sa kanilang nasasakupan na bunga na rin ng mahigpit nilang pagpapatupad ng mga batas trapiko.
Mahigpit din nilang ipinagbabawal sa mga menor de edad ang paggamit ng motorsiklo pangunahin na ang mga estudyante na nagda-drive patungong paaralan.
Dahil dito ay bumibisita ang mga kapulisan sa mga paaralan upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga estudyante at mga magulang hinggil sa panganib na dala ng pagmamaneho nang walang safety gear at kaukulang dokumento.
Samantala, binigyang-diin ni PLt. Casballedo na naka-alerto ang kanilang hanay 24/7 kaya kahit gabi ay nakabantay ang kanilang mga personnel sa mga strategic areas upang mapanatili ang kapayapaan sa bayan ng Aurora.
Bumibisita rin sila sa mga establishimento pangunahin na sa mga bangko upang maiwasan ang pag-atake ng mga kawatan.











