--Ads--

Iginawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Barangay Seal of Excellence sa Lungsod ng Cauayan matapos ideklarang drug-cleared ang 65 barangay nito, isang pagkilalang nananatiling bihira sa rehiyon at nagpapakita ng malawakang tagumpay ng lungsod sa kampanya kontra ilegal na droga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran Jr., Chief of Police ng PNP Cauayan, patuloy nilang palalawakin at pagtitibayin ang mga programang nakasentro sa anti-illegal drugs campaign upang mapanatili ang lungsod bilang drug-cleared city.

Iginiit niya na mas paiigtingin pa nila ang intel monitoring, kabilang na ang mas malalim na koordinasyon sa mga paaralan at barangay upang matukoy at maagapan ang anumang posibleng pagbalik ng bentahan o paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Nanawagan din si Canceran sa mga residente na manatiling nakikiisa sa pamahalaan sa pamamagitan ng agarang pagsumbong sa anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.

--Ads--

Aniya, bukas ang kanilang tanggapan sa lahat ng reklamo at handang tumugon sa abot ng kanilang kakayahan upang matiyak ang patuloy na kaligtasan at kaayusan ng lungsod.

Samantala, personal na tinanggap ni City Mayor Jaycee Dy Jr. ang naturang parangal, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.

Kinilala rin ng PDEA ang aktibong pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa law enforcement agencies na nagbunga ng malinis at mas ligtas na komunidad sa Cauayan City.