Arestado ang isang umano’y tulak ng ilegal na droga na kabilang sa Regional Target List at isang drug user sa ikinasang buy-bust operation ng Cauayan City Police Station, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), bandang 3:40 ng hapon kahapon sa Barangay Tagaran, Cauayan City.
Ang pangunahing suspek ay itinago sa Alyas na Ris, 55 anyos, isang sales agent na tubong Cainta, Rizal at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Maria, Aurora Province. Ayon sa ulat, kabilang si Alyas Ris sa Regional Target List ng PNP–PDEA.
Naaresto rin ang kasama nito na si Alyas Rem, 43 anyos, isang private employee at residente ng Dubinan East, Santiago City, na itinuring ng awtoridad bilang drug user.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang medium heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu.
Bukod dito, narekober din ang buy-bust money na nagkakahalaga ng ₱28,000; dalawang pirasong ₱100,000 boodle money; isang .22-caliber pistol; isang Glock 17 9mm pistol na may tatlong magazine at 34 na bala; isang Taran Airsoft rifle na may tatlong magazine; iba’t ibang drug paraphernalia; at isang Toyota Vios na kulay blue mica metallic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, umamin si Alyas Ris na humigit-kumulang apat na buwan na siyang nasasangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga matapos umano siyang maimpluwensiyahan ng mga kasamahang driver sa Santiago City.
Samantala, nagpaliwanag si Alyas Rem na sumabay lamang umano siya sa biyahe patungong Maynila upang bisitahin ang kanyang anak na nakatakdang magtapos sa ika-23 ng Disyembre, at iginiit niyang wala siyang kinalaman sa bentahan ng droga ng kanyang kasama.
Gayunpaman, inamin niya na minsan siyang gumamit ng droga dahil umano sa matinding depresyon.
Dinala ang dalawang suspek sa Cauayan District Hospital para sa medical examination bago tuluyang isailalim sa kustodiya ng PDEA para sa mas malalim na imbestigasyon.
Inihahanda na rin ng mga otoridad ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12 ng Republic Act 9165, at sa Republic Act 10591 laban sa dalawang suspek.











