Sinisiyasat na ngayon ng Jones Police Station ang naganap na investment scam na nakapanloko ng ilang katao at nakapagnakaw ng hindi pa matukoy na halaga ng pera mula sa mga biktima sa Jones Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Mervin Delos Santos, hepe ng Jones Police Station, sinabi niya na sa pamamagitan ng isinagawa nilang cyber patrolling ay nadiskubre nila ang ilang indibiduwal na nabiktima ng investment scam.
Sa ngayon, nagsasagawa sila ng imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng naturang investment scam.
Kung matatandaan, naglipana kamakailan ang mga isyu tungkol sa JMT investment scam na diumano’y nakapanloko ng ilang indibiduwal mula sa iba’t ibang bayan sa Isabela.
Modus sa naturang scheme ang mag-recruit sa pamamagitan ng online platform.
Nakita umano ng ilang biktima ang naturang investment opportunity sa social media at doon na rin sila nag-apply hanggang sa nauwi ito sa recruitment.
Ilan sa mga nabiktima ay mga propesyonal, bata, at matatanda na may iba’t ibang uri ng membership.
Nagpaalala ang Jones PNP sa publiko at iginiit na puspusan ang kanilang kampanya upang maiwasan na mabiktima ang sinuman ng online scams.











