Muling gumuho ang bahagi ng flood control sa Brgy. Alicaocao matapos ang sunod-sunod na pag-ulan na dulot ng mga nagdaang bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jun Abu, residente ng naturang barangay, lumambot ang lupa dahil sa walang tigil na pag-ulan, dahilan upang bumigay muli ang bahagi ng nasabing proyekto.
Ibinahagi rin ni Abu na napansin nila ang panibagong mga bitak sa istruktura, na nagpapahiwatig umano ng posibilidad na mas lumala pa ang pinsala sakaling muling bumuhos ang malakas na ulan.
Aniya, maaaring madamay pa ang ibang bahagi ng flood control kung magpapatuloy ang ganitong kondisyon.
Dagdag pa niya, isa sa kanilang nakikitang dahilan ng patuloy na pagguho ay ang kalidad ng mga materyales na ginamit sa proyekto.
Nanawagan siya na paghusayin ng mga kinauukulan ang kanilang trabaho upang mas tumibay at tumagal ang flood control, lalo na’t ito ang pangunahing proteksyon ng kanilang komunidad sa pagbaha.
Patuloy namang umaasa ang mga residente na mabibigyang pansin agad ang sitwasyon upang maiwasan ang mas malalang pinsala sa mga susunod na pag-ulan.











