Inihayag ng Social Security System (SSS) na hanggang Disyembre 8, 2025 na lamang ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Calamity Loan Program (CLP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong John Mark Ilagan, Regional Communications Officer ng SSS Luzon North 2 Division, sinabi niyang ang orihinal na application period para sa mga miyembrong naapektuhan ng Typhoon Tino at iba pang idineklarang kalamidad ay mula Nobyembre 6 hanggang Disyembre 5, 2025.
Gayunpaman, pinalawig ng SSS ang deadline at binigyan ng karagdagang tatlong araw ang publiko kaya maaari pang maghain ng aplikasyon hanggang Disyembre 8, 2025.
Ayon sa bagong guidelines ng SSS para sa 2025, ibinaba sa 7% per annum ang interest rate para sa calamity loan, mula sa dating mas mataas na rate. Pinaiksi rin ang proseso ng pagproseso ng loan upang mas mabilis na maipagkaloob ang tulong sa mga apektadong miyembro.
Bukod dito, maaari na ring mag-renew ng Calamity Loan makalipas ang anim (6) na buwan, basta’t walang overdue balance. Ibig sabihin, mas nagkaroon ng flexibility ang mga miyembrong nangangailangan ng karagdagang tulong depende sa kalagayan sa kanilang lugar.
Pinaalalahanan din ng SSS ang lahat ng kwalipikadong miyembro na maaari nang magsumite ng kanilang calamity loan application online sa pamamagitan ng My.SSS facility.
Direktang ide-deposito ang approved loan amount sa enrolled disbursement account ng miyembro, kaya hindi na kinakailangang pumunta pa sa alinmang opisina upang i-claim ang pondo.
Hinimok ng ahensya ang mga miyembro na tiyaking updated ang kanilang My.SSS account at tama ang bank o e-wallet details na naka-enroll upang maiwasan ang anumang delay sa paglipat ng kanilang loan proceeds.











