Pinarangalan ng Department of Education (DepEd) Region 2 ang mga natatanging guro at personnel sa buong rehiyon sa ginanap na 2025 Regional STARS Award sa Capital Arena sa City of Ilagan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, na ang programa ay idinaos upang kilalanin ang dedikasyon ng mga guro, non-teaching personnel, school heads, at Schools Division Superintendents na patuloy na naglilingkod nang may integridad at malasakit sa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Paragas, ang STARS Award na nangangahulugang Service-oriented, Talented, Affective, Resilient, Spiritually-driven ay bahagi ng PRAISE Program ng DepEd na naglalayong parangalan ang mga natatanging kawani na nagpakita ng kahusayan, propesyonalismo, at di-matatawarang paglilingkod sa akademya.
Ito aniya ay patunay ng walang humpay na pagtutok ng mga paaralan sa rehiyon sa pagpapanatili ng mataas na pamantayan sa pagtuturo, values formation, at holistic development ng mga mag-aaral sa kabila ng patuloy na hamon sa sektor ng edukasyon.
Pinuri rin ng DepEd Region 2 ang mga paaralan at guro sa rehiyon dahil sa matatag na pangangalaga nila sa kultura ng kahusayan, lalo na ngayong humaharap ang sistema ng edukasyon sa modernisasyon at pagbabago ng pamamaraan sa pagtuturo.
Dagdag pa ng opisyal, ang mga parangal na natanggap ng mga guro ay maaaring makatulong upang mapabilis ang kanilang promosyon, alinsunod sa patakaran ng DepEd sa pagkilala at gantimpala sa natatanging serbisyo.











