Nakarating na sa tanggapan ng Anti-Cybercrime Division ang ilang reklamo ng mga nabiktima ng investment scam mula sa Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Jovanie Daniel, Team Leader ng PNP–Anti-Cybercrime Unit 2–Santiago, sinabi niyang pinayuhan na niya ang nagreklamo na dalhin ang mga kinakailangang dokumentong magpapatunay sa naturang panloloko.
Aniya, marami ang naengganyong sumubok sa JMT dahil may mga nakapag-withdraw ng kanilang kinita sa una at ikalawang pagkakataon, subalit hindi na muling nakuha ang ipinuhunan hanggang sa nag-shutdown ang platform.
Tiniyak naman niya na hinihintay na lamang nilang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento upang masimulan na ang imbestigasyon laban sa naturang platform.
Nilinaw rin niya na walang kaugnayan sa kanilang organisasyon ang sinumang nagpapanggap na opisyal na umano’y humihingi ng pera kapalit ng imbestigasyon.
Pinapayuhan ang mga biktimang nakatatanggap ng tawag mula sa mga umano’y opisyal ng PNP Anti-Crime Division na agad itong iulat sa pinakamalapit na tanggapan ng PNP upang mabigyang-pansin.
SAMANTALA Ibinahagi naman ng isa sa mga biktima ng JMT investment scam ang kanyang naging karanasan at kung paano sila naengganyong mag-invest.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas Anna, isa sa mga biktima, sinabi niyang naengganyo siyang sumali matapos makita ang ilang post sa social media ng kanyang kaibigan.
Aniya, nagtiwala siya dahil nakikita niyang nakakapag-payout ang kaibigan. Nag-alok din umano ang JMT ng promo kung saan ang mga magre-recharge ay may libreng karagdagang account at subsidy.
Modus umano ng naturang investment scheme ang pagbibigay ng link kung saan magkakaroon ng “tasking” sa pamamagitan ng pakikinig sa kanta ang mga kasapi, at dito raw sila magsisimulang kumita.
Ang kanilang kinita ay maaari nilang ma-withdraw sa itinakdang araw, depende sa halaga ng ipinuhunan. Ipinangako rin umano sa kanila na mababawi ang puhunan at magkakaroon pa sila ng lifetime subscription na may tiyak na kita bawat araw.
Nakatakda sana niyang makuha ang perang in-invest noong Nobyembre 28, ngunit nag-shutdown ang platform noong Nobyembre 27. Sa kabuuan, umabot sa ₱14,000 ang perang nawala sa kanya.
Matapos mag-shutdown ang kanilang account, nakatanggap pa sila ng advisory kung saan inutusan silang magbayad upang mabuksan muli ang kanilang account. Hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sila ng aksyon mula sa mga indibiduwal na nasa likod ng platform, subalit wala pa ring nangyayari.
Ayon naman sa isa sa mga tumayong lider na si alyas Jacquelene, nagtungo umano sila sa pulisya subalit wala naman itong naipakitang kopya ng police report. Sinabi rin umano nito na nakausap niya ang Regional Director ng Anti-Crime Division noong Sabado, ngunit wala ring anumang dokumentasyon hinggil dito.
Kinagabihan, sinabi pa umano ni alyas Jacquelene na lumilikom ng pondo ang naturang Regional Director na kilala bilang alyas Echo at nakabase umano sa San Fernando, Alicia, Isabela para sa binuong team na magsasagawa umano ng surveillance at huhuli sa mga scammers.
Personal din umano niyang naka-chat si alyas Echo upang humingi ng update sa umano’y imbestigasyon, ngunit wala umano itong maibigay na malinaw na sagot.
Nagtungo rin umano ang naturang mga lider sa NBI para maghain ng reklamo, ngunit blanko raw ang papel na ipinakita sa kanila.
Maliban dito, may isa pang platform na iniaalok sa kanila ng tumayong lider na unang nanghikayat sa kanila na pumasok sa JMT, upang umano’y makabawi sila sa nawala nilang pera. Gumawa pa raw ito ng bagong group chat.
Ang naturang lider na si alyas Jacquelene ay kilala umano sa Jones, Isabela, na madalas magsagawa ng mga charity event sa lugar.











