Matagumpay na nabuwag ng mga otoridad ang isang drug den sa isinagawang operasyon, at naaresto ang tatlong indibidwal sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Officer Armenio Guadia ng PDEA Quirino, sinabi niya na ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Regional Office 2–Quirino Provincial Office bilang lead unit, PDEA CAR Ifugao Provincial Office, PDEA CAR Mountain Province Provincial Office, Drug Enforcement Group SOU 2, PDEU-NVPPO, at Bayombong Police Station sa Purok 6, Barangay Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Narekober ng mga awtoridad ang labing-limang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang pitong gramo na may halagang ₱47,600.
Nakumpiska rin ang iba’t ibang drug paraphernalia at buy-bust money.
Nadakip sina alyas Bibot, 30-anyos, residente ng Bonfal West, Bayombong; alyas Abbet, 31-anyos, residente ng Purok 4, Bangar, Solano; at alyas Hertz, 28-anyos, residente ng Bonfal West, Bayombong.
Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay bunga ng dalawang linggong surveillance, kung saan ang pangunahing subject ay isang biyahero na umano’y nag-aangkat ng shabu mula sa Maynila.
Sa kanilang monitoring, hindi lamang ang tatlong nadakip ang nagtutungo sa lugar dahil natukoy na may iba pang drug personalities na labas-masok sa naturang drug den.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12 ng Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, aminado si Guadia na hindi pa rin nawawala ang ilegal na droga at, batay sa trend, dumarami pa ang supply, senyales na bumababa ang bentahan ng shabu.











