Nagsimula nang magkaroon ng paghihigpit ang Cauayan Airport Police sa bisinidad ng paliparan kasunod ng nalalapit na December break.
Paghahanda ito para sa inaasahang dami ng mga uuwi at bibiyahe patungo at palabas ng lalawigan.
Ayon kay Plt. Ricardo Lappay, Deputy Station Chief ng Cauayan Airport Police, ngayon pa lamang ay nagsimula na ang kanilang early checking routine sa buong paliparan bago pa ang opisyal na oras ng trabaho.
Gamit ang mga sniffing dogs, sinusuri ang bawat sulok ng paliparan upang masiguro na ligtas ang lahat ng pupunta rito.
Giit ni Lappay, ang paghihigpit sa seguridad ng Cauayan Airport ay bahagi ng kanilang paghahanda sa bulto ng mga dadagsang mananakay.
Maglalabas din sa mga susunod na araw ang mga pulis ng listahan ng mga ipagbabawal, lalo na ang mga paputok na karaniwang nakikita tuwing Disyembre.
Samantala, mas maghihigpit din ngayon ang hanay ng Isabela Highway Patrol Group (HPG) ngayong buwan ng Disyembre.
Sa tala ng opisina, sa ganitong panahon naitatala ang mataas na kaso ng pagnanakaw ng mga sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela HPG Officer PMaj. Renoli Bagayao, sinabi nitong sinasamantala ng mga masasamang loob ang ganitong panahon upang makapagsamantala sa mga nagbabakasyon nating kababayan.
Aniya, ito ang nais nilang matugunan ngayon kaya’t mas paiigtingin nila ang pagbabantay. Dahil dito, ipapakalat ng HPG ang mga tauhan nito sa iba’t ibang bahagi ng Isabela upang magbantay at masiguro na ligtas ang mga nagbabakasyon na uuwi sa kani-kanilang pinagmulan.
Samantala, hinihintay na lamang ang pag-apruba ng HPG National sa planong ipinasa ng HPG Isabela upang ma-deploy nang mas maaga ang mga tauhan sa iba’t ibang lugar ng lalawigan.











