Iginiit ng itinuturong recruiter ng JMT Investment scam sa Isabela na si Alyas Jacqueline na biktima rin siya ng naturang modus.
Personal na nagtungo sa Bombo Radyo Cauayan si Alyas Jacqueline, residente ng Jones, Isabela at ikinuwento niya na unang nakita ang investment platform sa social media, at dahil sa kaaya-ayang interface, malinaw na instruction, at mga task na may katumbas na kita, ay naniwala siyang lehitimo ito. Sa unang mga linggo at buwan, ilang ulit siyang nakapag-withdraw ng kita, dahilan para mas lumalim ang kanyang pagtitiwala sa JMT.
Dahil dito, nag-invest siya ng P30,000 at inirekomenda pa ito sa mga kakilala, lalo na’t may lumalabas pang ulat at influencers na nagtataguyod umano ng magandang kita mula sa JMT.
Nag-organisa pa sila ng mga charity activity na iniuugnay sa platform, dahilan para lalo silang maniwala. Ngunit nagsimula umanong maantala ang withdrawals at dumami ang reklamo hanggang tuluyang mag-shutdown ang app. Nalugi siya at naapektuhan pa ang kanyang reputasyon dahil sa mga narecruit niya.
Nakipag-ugnayan na umano siya sa mga biktima at nagsumite na ng reklamo sa PNP, Anti-Cybercrime Group, at sa NBI, kalakip ang mga screenshots, receipts, at chat records.
Hinihikayat niya ang publiko na magdoble-ingat sa mga investment na nag-aalok ng sobrang taas na kita at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon upang mapanagot ang nasa likod ng JMT scam.
Samantala humingi ng paumanhin ang isa pang recruiter at iginiit na biktima rin siya ng naturang platform.
Kasama siyang nagtungo sa Bombo Radyo Cauayan matapos makatanggap ng death threat mula sa mga nalugi sa investment.
Sa panayam, sinabi ni Alyas Lito ng Jones, Isabela na nawalan din siya ng malaking halaga matapos mag-invest ng P117,000, dahil naniwala siya sa regular na updates, mabilis na “profit,” at mga task na may komisyon.
Marami rin umano siyang narecruit na mga kamag-anak at kaibigan na naglabas ng malaking puhunan, kabilang ang isang nagbenta pa ng kalabaw upang makasali.
Pagkatapos ng biglaang pag-shutdown ng app noong Nobyembre 28, nakatanggap siya ng paninisi at banta sa buhay. Dahil dito, lumapit siya sa PNP para humingi ng proteksyon.
Ayon kay Lito, sumasama siya ngayon sa ibang biktima sa pagre-report sa mga otoridad upang makatulong sa imbestigasyon at mahuli ang totoong nasa likod ng scam.
Nanawagan siya sa mga nagbabanta na unawain ang kanyang kalagayan, at hinikayat ang publiko na idaan sa tamang proseso ang paghahabol ng hustisya.
Samantala, isang recruiter naman ang nakaranas umano ng galit at pananakit mula sa mga taong narecruite nito.
Ayon kay Alyas Che, isang residente ng Alicia, Isabela, mula nang magsara ang app na kanilang ginagamit, marami na ang nagalit sa kanila dahil sila ang nag-recruit sa mga biktima upang sumali sa JMT Investment.
Aniya, isa sa kanyang mga narecruit ang labis na nagalit nang magkita-kita sila upang pag-usapan kung ano ang kanilang gagawin at siya ay tinadyakan.
Bagamat tanggap niya na may bahagi sila sa nangyaring scam, iginiit niya na sila rin ay biktima at napaniwala rin na ito ay lehitimong investment.
Ayon sa kanya, ang tanging layunin nila ngayon ay makipagtulungan sa mga awtoridad at sa mga biktima upang makagawa ng mga hakbang na magdadala sa hustisya at mapanagot ang mga utak ng JMT Investment scam.










