Opisyal nang sinimulan ang Isabela Provincial Athletic Association (ISPAA) 2025 sa Quirino, Isabela bilang bahagi ng masinsinang paghahanda ng Schools Division Office (SDO) Isabela para sa CAVRAA 2026, na nakatakda sa huling linggo ng Pebrero sa Lungsod ng Santiago.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mahigit 4,500 atleta mula sa iba’t ibang distrito sa Isabela upang mas mapalakas ang kanilang pagsasanay at mapanatili ang titulo ng dibisyon bilang defending champion.
Ayon kay Ginoong Manolo Bagunu, Division Sports Officer ng SDO Isabela, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ang ginanap na ISPAA ay idinisenyo upang maging katumbas ng mga sports event na ilalaban sa CAVRAA.
Ipinunto rin niyang layunin ng programa na mas mapino ang kahandaan ng mga atleta sa bawat sporting event.
Kabilang sa mga ginamit na venue ang Isabela Provincial Complex para sa swimming, athletics, archery, at tennis, na tinitiyak na sumusunod ang mga pasilidad sa pamantayan. Samantala, ang iba pang sporting events ay ginanap sa iba’t ibang lugar sa Quirino.









