I-eendorso ng Land Transportation Office (LTO) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kaso ng nag-viral na menor de edad na nag-mamaneho ng sasakyan.
Matatandaan na pinatawan ng 90-day suspension ng drivers license ang Tatay ng naturang menor de edad dahil sa pagbibigay-pahintulot sa batang anak nito na magmaneho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Venancio Tuddao ng LTO Region 2, sinabi niya na nag-issue na rin ng show cause order ang kanilang tanggapan sa naturang tsuper dahil sa paglabag sa section 48 at 27 ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
Sa ngayon ay inaantay pa ng tanggapan ang kasagutan ng naturang Tsuper.
Samantala, ayon kay Tuddao, patuloy ang ginagawa nilang information dissemination sa publiko upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman hinggil sa mga batas-trapiko.
Ngayong holiday season ay mahigpit nilang tututukan ang mga Terminal at mga pangunahing kalsada sa Rehiyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Katuwang ang iba’t ibang ahensya haya ng Philippine Drug Enforcement Agency ay magsasagawa rin sila ng mga road safety measures sa mga pampublikong sasakyan upang masiguro na nasa tamang kondisyon ang mga Tsuper at wala sa impluwensiya ng ilegal na droga.











