Pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte ang China at ang ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagtatayo ng Bucana Bridge sa Davao City.
Ito ang isa sa mga naging paksa ng pakikipag-usap ng Pangalawang Pangulo sa mga tagasuporta ng kanilang pamilya sa The Hague, Netherlands kung saan binigyang diin nito ang naging papel ng kaniyang ama at ng bansang China sa pagtatayo ng naturang tulay.
“Nagpapasalamat kami kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi siya tumigil sa paghahanap ng pondo para doon sa tulay. At siyempre, nagpapasalamat tayo sa People’s Republic of China dahil buong-buong nila binigay ‘yung entire cost ng tulay na iyon,” aniya.
Ayon kay VP Sara, sagot ng China ang kabuuang gastos sa tulay na nagkakahalaga ng ₱3.1 bilyon sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) kaya naman walang ginastos ang Davao City o ang National Government para sa konstruksyon nito.
“Walang gastos ang city government of Davao, walang gastos ang Pilipinas para tayo magkaroon ng bridge na ‘yun. At napakahalaga ng bridge na ‘yun dahil hindi mag-connect ang south to north kung wala ‘yung bridge.”
“But ngayon, nandiyan na ‘yung bridge. So dapat natin ‘yung pagpasalamatan, para sa akin bilang isang Dabawenyo. At siyempre sa mga tiga-Mindanao na din dahil nagbe-benefit din sila sa coastal road na ‘yan, traveling from south to north of Davao in the region,” aniya pa.
Ang Bucana Bridge na nagdurugtong sa Barangay 76-A Bucana at Matina Aplaya ay nakatakdang buksan sa Disyembre 15.











