Pinagkalooban na ng psychological first aid ng Schools Division Office (SDO) Nueva Vizcaya ang delegasyon mula Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya matapos ang naganap na sunog sa isa sa mga nagsilbing billeting quarters.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Orlando Manuel ng SDO Nueva Vizcaya, sinabi niya na bago ang sunog sa satellite office ng Alfonso Castañeda ay nagpatawag pa ng meeting ang school principal sa unang palapag ng dormitoryo.
Una, nakapansin aniya sila ng spark na agad namang iniulat sa utility worker. Subalit dahil sa may kalayuan at sa pinakadulong kuwarto nagmula ang spark, tuluyan na itong naging sanhi ng sunog.
Dahil sa insidente, agad na tinulungan ang mga naapektuhang atleta na nakapagpatuloy pa rin sa kanilang mga laro.
Nakipag-ugnayan na rin sa PNP at BFP ang Officer-in-Charge upang makita kung saan maaaring ilipat ang delegasyon ng Alfonso Castañeda. Binuksan din ng LGU ang evacuation center para pansamantalang manatili ang mga apektadong indibidwal.











