--Ads--

Ganap nang sinimulan ang pagdiriwang ng Feast of the Immaculate Conception matapos idaos ang unang Misa bandang alas-6:00 ng umaga ngayong Disyembre 8, 2025 sa Our Lady of the Pillar Parish Church-Cauayan City.

Pinanguluhan ito ni Fr. Vener Ceperez, Parish Priest ng naturang simbahan.

Ang Feast of the Immaculate Conception ay isang mahalagang kapistahan na ginugunita ang paniniwalang si Birheng Maria ay ipinaglihing walang bahid ng orihinal na kasalanan. Isa itong araw ng pananampalataya at pasasalamat para sa mga Katoliko, at kinikilalang isa sa pinakamahalagang Marian feast sa buong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Erwin Ozo, tindero at isa sa mga dumalo sa Misa, taon-taon ay dinaragsa ang ganitong uri ng selebrasyon sa simbahan.

Kadalasan aniya, mas maraming matatanda ang dumadalo lalo na sa madaling araw, habang mas kakaunti naman ang kabataan. Ibinahagi rin niya na pagkatapos nilang magtinda ay dumadalo sila sa Misa bilang bahagi ng kanilang debosyon.

Samantala, ipinagpaliban muna ng simbahan ang nakatakdang prosisyon na dapat sana ay isinagawa bandang alas-4:00 ng umaga bunsod ng pag-ulan kaninang madaling araw.

Magpapatuloy naman ang iba pang Misa kaugnay ng selebrasyon sa mga sumusunod na oras, alas-8:00 ng umaga, alas-10:00 ng umaga, at alas-5:15 ng hapon.

Inaasahang mas marami pang deboto ang dadalo sa maghapong pagdiriwang bilang bahagi ng taunang tradisyon ng parokya.