Nasangkot sa isang vehicular accident ang isang SUV at motorsiklo nitong gabi ng Disyembre 7 sa kahabaan ng Cabatuan Road, Brgy. San Fermin, Cauayan City.
Batay sa ulat ng kapulisan, binabaybay ng SUV na minamaneho ni alyas “Mateo”, 58 anyos, residente ng Brgy. Cabaruan, ang naturang kalsada papunta sa Cauayan City Hall nang bigla siyang huminto upang magbigay-daan sa isang sasakyang tatawid.
Sa likuran nito ay paparating ang isang itim na Honda Click na minamaneho ng 17-anyos na menor de edad na lalaki alyas “Gandez”, residente ng Brgy. Sinippil, Reina Mercedes.
Dahil umano sa pagiging mabilis at sobrang pagdikit sa sinusundang sasakyan, hindi agad nakapreno si alyas “Gandez” at nabangga ang hulihang bahagi ng SUV.
Parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan ngunit hindi tinukoy ang halaga ng kapinsalaan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, parehong iisang direksyon ang tinatahak ng dalawang sasakyan at nag-ugat ang insidente sa sobrang pagdikit ng motorsiklo sa naunang SUV.
Inihain ng magkabilang panig ang ulat sa Cauayan Police Station para sa kaukulang dokumentasyon. Samantala, tinitignan pa sa ngayon ang kabuuang damage ng mga sasakyan na sangkot.
Patuloy ang paalala ng pulisya sa lahat ng motorista na panatilihin ang tamang distansya at maging maingat sa pagmamaneho.
--Ads--











