Milyon na halaga ng marijuana ang nadiskubre sa magkahiwalay at magkakasunod na eradication operations na isinagawa ng Police Regional Office–Cordillera Administrative Region (PRO-CAR) sa Benguet at Kalinga noong Disyembre 5, 2025.
Bahagi ang mga operasyong ito ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga sa rehiyon.
Sa Kalinga, natunton ang tatlong plantasyon sa Brgy. Butbut Proper, Tinglayan, na naglalaman ng humigit-kumulang 16,000 fully grown marijuana plants (FGMJP) na tinatayang nagkakahalaga ng ₱3,200,000.
Pinangunahan ang operasyon ng 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company (PMFC), Tinglayan Municipal Police Station (MPS), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Kalinga Police Provincial Office (PPO), at ng Philippine Drug Enforcement Agency–CAR.
Samantala, sa Benguet, nadiskubre ang apat na plantasyon sa Brgy. Kayapa, Bakun at Brgy. Badeo, Kibungan. Nakarekober dito ang aabot sa 7,210 fully grown marijuana plants at 18,400 marijuana seedlings na may kabuuang halagang ₱2,178,000.
Katuwang sa operasyon ang 2nd Benguet PMFC, PIU/PDEU ng Benguet PPO, Regional Intelligence Division ng PRO-CAR, RIU–14, at PDEA–CAR.
Agad namang binunot at sinunog ng mga awtoridad ang lahat ng nadiskubreng tanim upang maiwasan ang posibleng distribusyon nito.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon sa kalapit-lugar at upang kilalanin at maaresto ang mga indibidwal na responsable sa iligal na pagtatanim ng marijuana.










