Tiniyak ng Cagayan Valley Medical Center na fully prepard na ang ospital para sa inaasahang pagtaas ng emergency cases ngayong kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Lou Antonio, Medical Center Chief ng CVMC, naging tradisyon na ng kanilang ospital ang maagap na paghahanda tuwing holiday season. Naka-schedule na ang lahat ng frontline services kabilang ang emergency department, admitting, laboratories, social services, at iba pang clinical duties upang masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo kahit abala ang publiko sa bakasyon at mga social gatherings.
Bagama’t hindi pa pormal na nagsimula ang pasko, napapansin na ng ospital ang pagtaas ng vehicular accidents, at karamihan dito ay dahil sa pag-inom ng nakalalasing na inumin.
Kasabay nito, naka-monitor din ang CVMC sa tumataas na kaso ng hypertension at stroke, na karaniwang naiuugnay sa malamig na panhon, kakulangan sa physical activity, at mataas na cholesterol sa mga pagkain sa handaan.
Tiniyak ng pamunuan na kumpleto ang gamot, supply, at kagamitan, at handang-handa ang mga doktor at nurses para tugunan ang mga pasyente sa buong holiday season. Bukas 27/7 ang Emergency Room, Urgent Care and Ambulatory Services, at fast lanes para sa mga pasyente ng dengue at leptospirosis.
Samantala, hindi bukas ang Outpatient Department o OPD consultations ngayong araw, sa December 18, Christmas Eve, Christmas Day, Rizal Day, New Year’s Eve at New Year’s Day. Ngunit patuloy na handang mag serbisyo ang emergency services para sa agarang pangangailangan.
Paalala naman ni Dra. Antonio na ugaliing ligtas at malusog ang ating pangangatawan, dahil ang tunay na kayamanan ay ang ating kalusugan.










